Wednesday, March 3, 2010

Message (Mis)Sent

Kanina.

Isang pagkakamaling nagbuhat ng kanilang muling pagkukwentuhan. Isang maikling mensahe na dapat sana ay para sa matalik na kaibigan.

"Ui! d k n nagpparmdm.
musta n? mishu!Ü"

Sabi mo, "there's no such thing as coincidence." Kung bakit nga ba magkalapit ang mga numero ng iyong bespren at ng taong iyon ay hindi mo din naman kayang ipaliwanag. Vic(toria) at Vince(nt). Sumobra ng pag-iskrol pababa, sabay pindot ng buton na may nakaguhit na maliit na hugis telepono na kulay berde.

"Message sent" Diretso ang teks sa kanya nang walang kahirap-hirap.

"Aypakingshet!" Muntik mo na akong maibato dahil sa labis mong pagka-asar.

Naka-unlimited ka nga pero sakto namang piso na lang ang karga ng telepono mo. Globe ka. Sun s'ya. Patay na talaga. Tinatamad ka nang lumabas ng bahay para magpaload pero may malaking problema ka na ngayon ay bumabagabag sa iyo kaya napilitan ka na ring magpa-load.

Ugali mo na ang magpaliwanag ng kahit ano, kaya naman automatic na yan, ipapaliwanag mo sa kanya na na-missent ang teks na iyon.

Ayaw mo sana siyang makausap sa dahilang, ayon nga sa iyo, ay corny at baduy. Pero ayaw kang patahimikin ng kunsensya mo kasi ayaw mong isipin nya na sabik na sabik ka sa kanya at masahol pa nga ay kung isipin nya na desperado ka na at patay na patay ka pa rin sa kanya.

Dati.

Sinabi mo na sa kanya, dalawang taong nakalipas na. Hindi ka din makapaniwala kung papaano mo nagawa. Kala mo imposible pero hindi naman pala. Pero ayaw n'ya sayo at kasalukuyan syang abala sa ibang bagay at tao. Pero hindi n'ya 'yon sinabi sa iyo nang tuwiran, naawa siguro sya sayo, pero nalaman mo din naman ang katotohanan kinalaunan.

Nababaduyan ka na sa sarili mo pero hindi mo pa rin kayang tigilan ang ginagawa mong pangungulit sa kanya hanggang sa dumating ang araw na hindi na sumagot sa teks mo. Di mo din alam kung bakit ka nya dinededma. Ang tanging mga balita lang na nalalaman mo tungkol sa kanya ay nakikita mo lang sa isang social networking site kung saan ay wala na syang ginawa kundi humingi ng tulong para palaguin at paunlarin ang kanyang grupo ng mga kriminal.

Kasalukuyan.

Sa loob-loob mo ay totoong namimiss mo na sya, kayo ba naman ang hindi magkita ng mahigit sa isang taon. Pero sa kabila ng kawalan ng komunikasyon, wala pa ring nagbabago, baduy at corny ka pa rin hanggang ngayon. Naiinis ka pero iyon ang katotohanan.

Tumakbo ka sa Variety Store ni Aling Nimfa. Nagpaload ka ng isandaan, para hindi maubusan kunsaka-sakaling maging mahaba ang kwentuhan nyo. Agad kang gumawa ng paliwanag,

"waaah.. sori wrong send.
nasobrahan lng s
pag-scroll.XO" Mali pa nga ang grammar mo.

Habang naglalakad ka pabalik sa bahay nyo ay hinihiling mo na sana ay sumagot sya. Pero wala. Mahigit isang oras na ang nakalipas pero wala pa rin.

7:06. Gabi na. Halos sampung oras na, wala man lang kahit blangkong teks mula sa kanya.

At dahil dun ay nalungkot ka na naman gaya ng dati kapag tineteks mo sya at di naman sya sumasagot. Kung kailan kaarawan mo saka ka pa malulungkot ng ganyan. At nainis ka na naman nga sa sarili mo dahil sa katangahang nagawa mo. "Lagi na lang akong nagkakaganito", sabi mo sa sarili mo.

Dahil sa labis na pagkainis ay maaga kang dinalaw ng antok. Bago ka matulog ay hiniling mo pa nga sa Panginoon na sana ay maglaho na lahat ng hibla ng kabaduyan at kakornihan sa pagkatao mo. O kaya naman ay makahanap ka na ng ibang mapag-papasahan ng mga cheesy lines na naimbento mo o di kaya'y narinig kunsaan man. (Oo nga naman po. Sawa na ko sa mga pick up lines nya.)

11:43. Tulog ka na ngayon. May nagtext sayo pero syempre di mo pa to mababasa ngayon. Ako na lang muna ang babasa:

Hapi birthday! Tul0g k
n? S0ri kng di ako
nakkpgtxt. Busy kb?
Pwede b tyo magkita s
saturday? May kelangn
lng tlga ako sbhn syo.
O kya d2 n lng s txt.

Sori kc mejo magulo p
ang utak q ngaun pro
s tingin q tlga gusto
*some text missing*

Sender:
Vince
+639228812222

Message centre:
+639170000248


Sent:
23-Feb-2010
11:39:50