Friday, September 24, 2010

N2310

Wala naman sigurong mawawala sa akin dahil sa simpleng panonood ng sine at pagkain. Sige na nga. Bakit hindi.”

Parang inuulit lang ang araw na iyon, isang taon na ang lumipas, liban lang sa kaarawan mo ngayon kaya pihadong sisipot na s’ya sa usapan ninyo.

Alas kwatro ka na nakasakay ng MRT patungong North Edsa. Halos tatlong istasyon lang naman ang layo mo mula doon kaya mabilis lang ang magiging biyahe mo. Magaalas-singko na din nang makapasok ka sa lugar na pagkikitaan nyo. Nag-text ka sa kanya para ipaalam na nandoon ka na. Bago ka humarap sa kanya ay sinigurado mo munang dumaan sa palikuran para doon ayusin muli ang sarili.

D2 n rn. Sa tapat ng KFC..

Nagtext s’ya sa’yo. Kabadong-kabado ka habang sabik na lumalakad. Alam mong malapit ka na sa kanya kaya dumoble pa ang ngiti mo. At nagtaka ka nang may isa pang pamilyar na mukha ang bumulaga sa’yo. Si bestfriend. Kala mo pagkakataon mo nang magka-usap kayo nang kayong dalawa lang. Pero masaya ka pa rin kasi matagal mo nang hindi nakakawentuhan ang bestfriend mo. Hindi mo sila tinawag kasi balak mo rin silang gulatin. Pero ikaw ang nagulat nang mapagawi na ng kaunti ang tingin mo sa mga kamay nilang magkahawak.

Natigilan ka. Napa-atras. Nanlabo ang paningin mo. Unti-unti kang lumakad palayo. Hindi mo alam ang gagawin mo kaya nagtungo ka sa pinakamalapit na CR. Doon, hindi mo na napigilan ang pagtulo ng luha mo. Kinumbinsi mo ang sarili mo na nag-o-over react ka lang. Inayos muli ang sarili at lumabas para puntahan sila. Hindi naman din kasi pwede na basta ka na lang uuwi.

Habang papalapit ka ay kinakawayan ka nilang dalawa.

Hindi mo magawang magtanong kung sila na. Kaya naunahan ka na nyang magsalita.

“Girlfriend ko.”

Nangiginig ka dahil sa labis na pagkabigo. Gusto mo nang umiyak. Gusto mo nang umuwi. Gusto mong lumindol, magkabitak ang sahig at kainin ka na ng lupa. Gusto mong magkaroon bigla ng kumunoy sa gitna ng mall at sana ay ma-trap ka na lang dito. Compose yourself. Kaya mo yan. Fighting!

W-Wow congrats! Kelan pa?..”

“Last year pa..”

Basag.

Recharged

Pagkadating mo sa bahay, agad mong hinanap ang charger. At syempre nagtext ka ulit sa kanya. At syempre handa na ako sa mahaba-habang usapan dahil may nakasaksak na sa akin na life support.

{*} “Sori ngaun lng. Nalowbat cp q e.”
{?} Sn k n?
{*} Nnd2 n s bhay.
{?} Ah ok, pnta k n bhauz..
{*} Ha? Gaga to. And2 n nga aq smen. Umaga na pti. Umayus k nga. Lasing ka na e. Umuwi k n dn kya? o_O
{?} Ndi noh.. edi dapat d n q nkkpgtxt..
{*} Bhala k. Sbi mo e. Cge n ayaw n kta guluhin. Ipagp2l0y nyo n yng gnagwa nyo. Gudnyt!u
{?} Hay.. Dpat kc ikw ang ksama q ngaun e..
{*} Ikw e.. di k kc pumunta.:(
{?} Sori.. Haha.. Akala q dn makkpnta ako eh..

Hindi ka na nagreply. Pagkalipas ng isa pang oras, nag-text sya ulit.

{?} Taxi n q pauwi..
{?} Gcng k p?
{*} yep.ö

Pero ang totoo tulog ka na talaga, naramdaman mo lang na nag-vibrate ang telepono kaya ka nagising. Anong oras na din kasi? Halos alas-tres na.

{?} D2 n ako..
{*} Buti nman. Mkka2l0g k n rn s wakas.~X)
{?} Oo nga, kng ktabi sna kta, e ms mhimbing..

Abot langit ang pagkakangisi mo. Lalo pang bumilis ang pagpapawis mo at ang tibok ng iyong puso. Kinakabahan ka. Sumasakit ang tiyan mo. Hindi mo maipaliwanag ang iyong nararamdaman ngayon pero ayos lang sa iyo kasi masaya ka naman. Sa loob ng mahaba-habang panahon, ngayon ka lang ulit nakaramdam ng ganyan. Para kang siraulo.

Walang karga!

Alas-sais na ng gabi pero kagigising mo pa lang mula sa halos dalawang oras na pagkakatulog. Masyado kang nanghina dahil sa hirap na dinanas sa katatapos lang na pagsusulit. Halos wala ka pang tulog. Pero may lakad ka pa mamaya. Sabi mo, pagkakataon mo na ngayon na mag-enjoy dahil isang linggo ka nang hindi tinantanan ng mga nakasusuyang school requirements. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip mo ang mga mensahe nya sa 'yo nung isang araw, nung niyaya ka nya na manood ng concert sa Fair.

Halos magpawis na ko dahil sa ilang oras nyo din na pagpapalitan ng mensahe. Magpaload ka kaya, ano? tapos tawagan mo na lang sya. Hindi ako sanay nang laging nagagamit. At nakakairita din pala minsan pag ngumingiti ka na lang basta kahit mag-isa ka.

Huling araw na ng School Fair 2009. Ito lang ang kaisa-isang gabi sa Fair na mapupuntahan mo dahil hindi ka masyadong nabiyayaan ng oras ngayong semester. Di katulad dati, nung 2007 at 2008.

6:30 na nang magsimula kang kumilos. Kumain ka nang kaunti. Nagsepilyo. Nagbihis. Mahimalang nag-ayos. At gumamit ng pabango na minsanan lang kung maranasan ng balat mo.

Habang ikinakandado mo ang pinto ng bahay mo ay napabuntong-hininga ka. Hwoo! Fighting!

Mag-a-alas otso na nang makarating ka sa lugar kung saan magaganap ang concert. Pero medyo maaga pa at ayaw mo ding lumusong sa dagat ng katauhan nang mag-isa. Kaya naisip mo na tumambay muna sa isang malapit na convenience store. Bumili ka ng maiinom at umupo. Naalala mo na may dala kang notes sa isa mong subject kung saan ay may exam kayo sa Martes. (Mukha kang tanga na may dalang notes sa mga ganitong pagkakataon.) Nagpanggap kang nag-babasa dahil ayaw mong nag-mumukhang timang pag pinaghihintay ka. Pero di ko alam kung bakit lagi ka pa ring maagang dumating. Kala ko ba ayaw mo nang naghihintay?

Tinext mo s'ya.

"Psst...Nasan kn?Ü"

Mabilis naman syang sumagot sa text mo.

Ah.. Nnd2 s bhay ng clasm8 k0..bday nia e.

Dahil sa sagot nya sa text mo, hindi mo malaman kung ano ang dapat na maging reaksyon mo. Pero masyado kang mabait. At baduy pa rin. Malamang babalewalain mo na lang ang ginawa nya sayo ngayon. Nainis ka sa kanya pero nainis ka din sa sarili mo. Kung gaano sya kagago ganun ka namang katanga. Kaya sumagot ka na lang ulit.

"A..gnun? S0, ano? Di n tyo man0n0od? Syang nman.:("

Di s'ya sumagot. Naudlot ang kasiyahan. Malungkot ka na naman tuloy. Nag-ayos ka lang pala ng sarili mo para basahin ang notes mo sa convenience store. Sayang ang bihis. Pero hindi bale, dahil dyan handa ka na para sa eksamen nyo. Inabot ka na ng alas dose bago nakapagdesisyon na umuwi. Nag-text ka ulit sa kanya.

"Haha..ngay0n p lng aq uuwi. Pro d nman aq nakapan0od. Tapos n kyo? Ingat k pguwi!ü"

Parang wala lang sayo ang pang-iiwan nya sa ere. At sumagot naman sya agad.

Weh.. D8 n lng tau..

Ayan. Nagsimula na naman kayo sa walang kamatayang pagpapalitan ng text messages. Naguguluhan na rin ako sa inyo. Hindi ko na kaya ‘to. Mamaya ka na lang kasi mag-text ulit pagdating mo sa bahay n’yo. Mamamatay na ‘ko.

“Battery empty”