Friday, September 24, 2010

Walang karga!

Alas-sais na ng gabi pero kagigising mo pa lang mula sa halos dalawang oras na pagkakatulog. Masyado kang nanghina dahil sa hirap na dinanas sa katatapos lang na pagsusulit. Halos wala ka pang tulog. Pero may lakad ka pa mamaya. Sabi mo, pagkakataon mo na ngayon na mag-enjoy dahil isang linggo ka nang hindi tinantanan ng mga nakasusuyang school requirements. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip mo ang mga mensahe nya sa 'yo nung isang araw, nung niyaya ka nya na manood ng concert sa Fair.

Halos magpawis na ko dahil sa ilang oras nyo din na pagpapalitan ng mensahe. Magpaload ka kaya, ano? tapos tawagan mo na lang sya. Hindi ako sanay nang laging nagagamit. At nakakairita din pala minsan pag ngumingiti ka na lang basta kahit mag-isa ka.

Huling araw na ng School Fair 2009. Ito lang ang kaisa-isang gabi sa Fair na mapupuntahan mo dahil hindi ka masyadong nabiyayaan ng oras ngayong semester. Di katulad dati, nung 2007 at 2008.

6:30 na nang magsimula kang kumilos. Kumain ka nang kaunti. Nagsepilyo. Nagbihis. Mahimalang nag-ayos. At gumamit ng pabango na minsanan lang kung maranasan ng balat mo.

Habang ikinakandado mo ang pinto ng bahay mo ay napabuntong-hininga ka. Hwoo! Fighting!

Mag-a-alas otso na nang makarating ka sa lugar kung saan magaganap ang concert. Pero medyo maaga pa at ayaw mo ding lumusong sa dagat ng katauhan nang mag-isa. Kaya naisip mo na tumambay muna sa isang malapit na convenience store. Bumili ka ng maiinom at umupo. Naalala mo na may dala kang notes sa isa mong subject kung saan ay may exam kayo sa Martes. (Mukha kang tanga na may dalang notes sa mga ganitong pagkakataon.) Nagpanggap kang nag-babasa dahil ayaw mong nag-mumukhang timang pag pinaghihintay ka. Pero di ko alam kung bakit lagi ka pa ring maagang dumating. Kala ko ba ayaw mo nang naghihintay?

Tinext mo s'ya.

"Psst...Nasan kn?Ü"

Mabilis naman syang sumagot sa text mo.

Ah.. Nnd2 s bhay ng clasm8 k0..bday nia e.

Dahil sa sagot nya sa text mo, hindi mo malaman kung ano ang dapat na maging reaksyon mo. Pero masyado kang mabait. At baduy pa rin. Malamang babalewalain mo na lang ang ginawa nya sayo ngayon. Nainis ka sa kanya pero nainis ka din sa sarili mo. Kung gaano sya kagago ganun ka namang katanga. Kaya sumagot ka na lang ulit.

"A..gnun? S0, ano? Di n tyo man0n0od? Syang nman.:("

Di s'ya sumagot. Naudlot ang kasiyahan. Malungkot ka na naman tuloy. Nag-ayos ka lang pala ng sarili mo para basahin ang notes mo sa convenience store. Sayang ang bihis. Pero hindi bale, dahil dyan handa ka na para sa eksamen nyo. Inabot ka na ng alas dose bago nakapagdesisyon na umuwi. Nag-text ka ulit sa kanya.

"Haha..ngay0n p lng aq uuwi. Pro d nman aq nakapan0od. Tapos n kyo? Ingat k pguwi!ü"

Parang wala lang sayo ang pang-iiwan nya sa ere. At sumagot naman sya agad.

Weh.. D8 n lng tau..

Ayan. Nagsimula na naman kayo sa walang kamatayang pagpapalitan ng text messages. Naguguluhan na rin ako sa inyo. Hindi ko na kaya ‘to. Mamaya ka na lang kasi mag-text ulit pagdating mo sa bahay n’yo. Mamamatay na ‘ko.

“Battery empty”

No comments: