Thursday, January 20, 2011

Absinthe-minded.

BABALA: (1) Wag mong babasahin ang hindi mo naiintindihan. (2) Fill in the stars ****.


Ako si *** at ito talaga ang aking kwento habang ako ay nasa impluwensya ng isang intoxicating and dangerous emotion. Walang halong sh*t maliban sa mga sh*tty na pangalan.

Mula elementary hanggang high school, ako ay isang pangkaraniwang nerd na mahilig mag-aral at trying hard na magpa-bibo sa mga extracurricular activities at school organizations. Tahimik, mahiyain, insecure, hindi kita papansinin kung hindi mo din ako papansinin kaya madalas akong mapagkamalang snob; payat at mukhang malnourished, matangkad, di kaputian at di rin naman kagandahan, pero mabait din naman, minsan.

Pasukan na naman. Huling taon na sa high school. Kakasimula pa lang ng school year pero may kanya-kanya kaagad pinagkaka-abalahan ang mga bibo, pa-bibo, at walang magawa sa buhay—ang Student Council elections. Nag-aagawan para sa posisyon ang tatlong partido na pangalanan na lang nating Red, Blue ­at Yellow. Sa bandang huli, nagwagi ako, ang leader ng Red team at ang karamihan ng aking mga ka-tiket, kasama ang kalihim ng Yellow team at ilang mga board members ng Yellow at Blue team, kabilang na dun si **. Si **, isang bagong kaklase, parang ewan lang. Magaling sa sports. Tamad sa klase pero marunong din naman kahit papaano. Friendly, energetic, makwento, mabiro, slim, tall, not so dark and…yun lang...Iyan ang pagkakakilala ko kay **. Isang tao na exact opposite ko (sa tingin ko).

Nagkakailangan sa unang meeting ng council dahil sa hindi namin kilala o ka-close ang bawat isa sa council. Ayaw ko ng ganoong klaseng atmosphere, kaya ginawa ko ang makakaya ko para hindi kami naaasiwa sa bawat isa. Medyo natagalan pa bago mawala ang pagkakahiyaan sa pagitan ng mga miyembro ng council, lalo na para kay ** (sa palagay ko lang) na nag-iisang kinatawan ng Blue team na nakapasok sa student council. Noong una ay nag-aalala ako na baka ayaw kaming makahalubilo ni **, pero nang lumaon ay hinayaan ko na lang din si ** na gawin ang gusto niya dahil madami rin akong pinagkakaabalahan at isa pa ay ayaw ko ding ubusin ang oras ko sa pag-aalala sa mga maliliit na bagay tulad nun. At may lalaki pa akong higit na pinag-uubusan ko ng oras kakaisip, si *—na kakapasok pa lang sa kolehiyo. Mas matanda siya ng isang taong mahigit sa akin. Nasa ikalawang taon pa lang ako ng high school nung magsimula siyang umokupa sa isang bakanteng bahagi ng aking pag-iisip. At hindi pa rin siya naaalis sa isipan ko kahit na halos hindi naman kami nag-usap noon at kahit hindi ko na siya nakikita ngayon. Naging usap-usapan sa school noon na may gusto daw si * sa akin. Labis ko mang ikinatuwa iyon, hanggang usap-usapan na lang talaga at wala nang higit pa. Mamamalagi siya sa isip ko sa susunod pang dalawang taon.

Maraming masasayang alaala, kaguluhan at kababalaghan noong ika-apat na taon ko sa high school. Mga party na in-organize ng mga clubs, mga events at contests na sinalihan ng bawat klase—Buwan ng Wika, Quiz Bee, Sportsfest, Halloween Party, pa-Bingo, School Dyaryo at kung anu-ano pang ka-cheapan ng nga estudyante ng mataas na paaralan namin.

Graduation day. Nagtapos ako nang may pinakamataas na parangal sa high school. May valedictory speech na wala namang kwenta. Kinanta ang graduation song at nag-iyakan ang mga magulang at mga graduates, kabilang ako, nakakahiya mang aminin. Pagkatapos ng commencement exercises ay may Graduation Ball, dapat, pero imbes na maglagi sa boring na pa-party ay tumuloy kaming magkakatsokaran sa bahay ng isa naming kaibigan. Sleep-over (o puyatan). Kwentuhan, lokohan at tawanan hanggang sa antukin, sila. Hindi ako nakatulog nang matanto ko na may gusto na pala ako kay **, pero medyo lang. Dati pa naman ako natutuwa sa kanya, pero ngayon, natutuwa na ako sa sarili ko dahil natutuwa ako sa kanya. Inisip ko na lang na maliit na bagay lang ang aking naramdaman at hindi dapat ipag-alala. Galos lang.

Unang taon namin sa college nung una kong maka-text si **. Naalala ko pa nung una niya akong itinext. Hindi siya nagpakilala at pinahirapan pa ako sa pagtuklas kung sino siya. Sabi niya na close friend ko siya at 23 letters ang buong pangalan niya. Pero mali, dahil 24 letters ang buong pangalan niya, binilang ko pa yun ng ilang ulit. Tama ako, siya ang mali. Bibihira ko lang makita si **—kapag nagre-“reunion” lang kaming mga naging magkaka-klase. Madalang din kami makapag-usap sa text pero basta kapag siya ang nag-text, walang mintis akong nag-rereply. Maliban sa kanya, si * lang ang nirereplyan ko kada siya magtext. Silang dalawa lang. Kapag nagte-text si ** kinakabahan na agad ako, katulad lang ng kaba ko kapag nakakasayaw ko si * Ssa mga party noon sa school. Parang rainbow. Parang fireworks display, sandali lang pero nakakatuwa. Parang binuksan ko ang radyo at ang tugtog ay Dayang-dayang, nakakatawa. Sumasaya ako kahit pa sobrang ikli lang ng mga reply niya at pag nag-sabihan na ng kani-kanyang paalam ay nalulungkot na ako.

Nabigla ang utak ko sa laki ng kaibahan ng high school sa college. Parang na-diarrhea ang utak ko at ngayon ay sobra na itong dehydrated. Hindi ako makahuma sa dagat ng kaalaman sa Diliman. Kasing bagal na nga ng tortoise ang cognitive ability ko, mahina pa ako sa time management. Nagmistulan akong payaso na nagdya-juggle ng mga bola, hindi ko nasalo ang mga bolang iyon at isa-isa silang nahulog. Parang mga grades ko. Para akong laging may hinahabol. Minsan, muntik ko nang maabutan pero bigla akong nadapa at dahil doon, LOA ang bagsak ko. Boring ang buhay kolehiyo ko dahil halos wala akong mga kaibigan. Puro kakilala lang. Kasi may pagka-suplada at tahimik ako. Hindi ko maalis sa pagkatao ko ang ugaling iyon, nakakainis. May mga tao akong itinuturing na kaibigan pero sana kaibigan din ang tingin nila sa akin. Kaya masaya talaga ako kapag nagkikita kami ng mga kaibigan ko mula high school. Halos kasisimula pa lang ng ikatlong taon ko sa kolehiyo nang magkita-kita kaming magkakaibigan para manood ng isang sikat na pelikula sa sinehan, July 13 yata noon. Bilang isang mapapel na bata ay pinilit kong makatabi sa upuan sa sinehan si **. Idinahilan ko pa na ayaw ko lang makatabi yung isa naming kaibigan na makulit, totoo din naman. Pumayag naman siya agad dahil wala naman siyang alam sa aking ulterior motive. Habang nanonood ay napapangiti ako kahit na parang may pumipiga ng sikmura ko. Hindi nasayang ang pera ko kahit na hindi ko naintindihan ang pelikulang pinanood ko. Alanganing oras na nang matapos kaming manood at kumain kaya nakigulo at nakitulog na lang ang barkadahan sa boarding house nila **. Friday the 13th noon pero bakit parang swerte ko naman? Mabuti na lang at nakatulog ako, siguro dahil sa stress dulot ng pressure. Kinabukasan ay sabay-sabay kaming umuwi sa probinsya. Noon ko nalaman na higit na sa gusto ang nararamdaman ko kay **. Hindi ko pa alam kung ano iyon basta sigurado akong hindi na lang simpleng gusto.

Eksaktong isang taon, ihing-ihi na ang puso ko at hindi na nito mapigilan ang kanyang sarili, wala na akong pakialam kung ano ang kalalabasan ng gagawin ko. Mapanghi ang resulta—ang pag-amin ko (sa text lang naman) sa mga malalapit na kaibigan at kay ** na gusto ko siya. Yun nga lang, walang reaksyon si **, natameme yata o di kaya ay inaasahan niya na yun. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin kapag nagkita kami ulit...

At sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay nagkita kami ni **. Nakasakay ko siya sa jeep pauwi ng probinsya halos dalawang linggo lang ang lumipas mula nung sabihin ko sa kanya na gusto ko siya. Nauna naman siyang pumansin sa akin dahil hindi ko agad siya nakita. Tulad pa rin kami ng dati. Walang nag-iba, mabuti na lang.

Patuloy pa rin ang komunikasyon sa pagitan naming dalawa ni **. Ilang buwan pa ay nalaman ko na may girlfriend na siya. An’saklap. Gusto kong manira ng relasyon at maging makasarili, pero siguradong hindi kakayanin ng kunsensya ko, kaya huwag na lang. Ilang ulit kaming muntik nang mag “date”, pero mukhang pinagkakaitan talaga ako ng tadhana. Siguro mabuti na ngang hindi natutuloy, baka makaaway ko pa yung girlfriend niya. Tuloy pa rin ako sa nakagawian ko, ang minsanang pagpapadala ng joke o pick-up line o kung ano pa man sa kanya. Group message kunô, pero siya lang naman ang makakatanggap. Nakakadismaya kasi minsan lang siya nagre-reply, napipilitan lang din siguro siya o kaya nakukulitan lang sa akin kaya sumasagot. Kung ganoon nga, hindi ko siya masisisi. Wala naman kasi talaga akong kasawa-sawa. Ilang taong magiging ganito ang siste—isang beses sa isang taon lang kami kung magkita, maliban dun, text lang ang daan ko para kumustahin siya. Tapos kapag nagkakaharap kami halos hindi rin naman kami nag-uusap. Nakakabitin.

Isang araw, pakiramdam ko palipas na ang nararamdaman ko; nung medyo hindi na ako nakakapanggulo ng buhay, nagpapansin ulit ako kay ** sa pamamagitan ng text. Isang malaking pagkakamali. Nag-padala ako ng pick-up line, “Malapit nang magsembreak! Yey!ö Ang bilis ng panahon, dati ang dami-dami kong gusto. Ngayon ikaw na lang.” At mukhang sineryoso ni ** ang sinabi ko. Hindi ko alam kung paano humantong ang lahat sa pagtatanong niya sa akin ng kung pwede niya raw ba akong maging girlfriend. Aba, ang laking pagkabigla ko. Kung naguluhan si ** sa sinabi niya, eh mas naguluhan ako. Walang pag-sidlan ang tuwa ko. Nagsusumayaw sa galak ang puso at buong katauhan ko. Pero nababagabag din ako dahil sa mga nasabi niya. Paano kung binibiro niya lang ako? Paano kung niloloko niya ako? Walang ibang paraan para maliwanagan kundi ang magtanong. At iyon na nga ang ginawa ko. Nagka-aminan na, pero negative. Hindi ko talaga alam, may girlfriend pa siya na mas nauna sa akin, yung girlfriend niya noon pa. Mabuti na lang at hindi kaagad ako sumagot ng oo sa tanong niya. Minsan, mabuti din palang maging mapag-hinala. Ano ba ang palagay niyang ** na yan, na bagay kaming tatlo? Walang-hiyang feelingero. Dahil sa sobrang pagka-dismaya ko, pakiramdam ko ang sarap lamukusin ng mukha niya, pilas-pilasin at ipakain sa apoy. May nagtanong sa akin kung malungkot daw ba ako dahil dun? Sabi ko hindi. Pero kaninong lelong ang niloloko ko? Malungkot ako. Magkaganoon man, hindi pa man humihingi ng kapatawaran si ** sa akin ay napatawad ko na siya. At iyon na nga, hindi man lang siya humingi ng tawad sa akin. Sabi ko nga, feelingero siyang tunay. Nakakatawa na lang ang pagiging baguhan niya sa larangan at sining ng two- (o poly-) timing. Pumalya ang diskarte niya.

Lumipas ang dalawang buwan at may isang hindi inaasahang kasawian ang nagsilbing daan para makita ko siyang ulit. Tumugtog sa utak ko ang kanta ni Paul Davis pagkakita ko sa kanyang kabababa lang ng jeep, gaano mang kabaduy, ito ang katotohanan “Just when I thought I was over you. I see your face and it just ain’t true. No, it just ain’t true. I go crazy. When I look in your eyes, I go crazy…” Hindi iyon ang tamang pagkakataon para makipag-landian ako sa kanya, kailangang makiramay sa mga naulila. Ilang oras kaming nagpapakiramdaman, nag-kwentuhan ng kaunti hanggang sa dumating na ang oras na dapat na kaming umalis. Magkasabay kaming dalawa na bumalik ng QC. Pagkalipas ng mahigit limang taon niyang paninirahan sa bawat hibla ng cardiac muscles ko, natupad ang parte ng kahilingan ko na makapag-usap kaming dalawa nang matagal-tagal na walang ibang sumasabat. Mababaw lang naman talaga ako, basta nandiyan siya ayos na sakin. Isa’t kalahating oras. Matagal na yun sa dog years, kaso hindi ako aso, parang aso lang na laging nakaabang sa dog biscuit na hawak niya. Humingi si ** ng patawad sa akin dahil sa (mga) kamaliang nagawa niya. At dahil higit pa sa suki ang turing ko sa kanya, pinatawad ko siya. (Bagsak presyo talaga.) Nakaka-ewan kapag tinititigan niya ko…tinitingnan ko din naman siya pero marupok ako. Hindi ko matagalan, para akong lalagnatin. Mas nakaka-kaba pa yun kaysa sa valedictory address ko nung elementary. Nakaka-iyak. Masakit sa tiyan. Para akong nakabitin sa isang napaka-laking pendulum. Nakaka-ihi. Nakaka-kilig. Nakakalunod ang kakornihan ko. Nakaka-kwan. Nakakalungkot kapag naaalala ko na wala namang kahulugan ang mga titig niya. Inililigaw lang ako ng mga tingin niya. Isa siyang mapanlinlang na nilalang. Nakaka-disappoint na natipuhan ko ang isang kagaya niya. Siguro lasing lang ako at wala sa katinuan. Atiot.

Hindi pa ulit kami nag-uusap ni **. Sabi ng ilan “time heals all wounds” pero sa kasawiang-palad, wala naman itong nagawa sa akin kundi ang bigyan ako ng mahabang panahon para maalala at isipin na nami-miss ko na si **.

*PS: Sa makakabasa nito, pagpasensiyahan mo na si ***. Ito na kasi ang pinakamalinis na CR na nakita niya. Huwag mo na lang pansinin ang mga ikinalat niya. Magtakip ka ng ilong at lumipat sa ibang cubicle. Huwag mo nang ipag-maingay kung ano man ang nakita mo dito.

No comments: